Tuesday, September 11, 2012

Sabong, Kalupitan nga ba sa Hayop?



    May mga nagsasabi na ang isport na sabong ay laro ng mga barbaro dahil natutuwa ang mga parukyano nito sa madugong labanan. Ipinagpapalagay ng iba lalo na yung mga animal rights activist na kalupitan ito sa hayop. Aamining madugo nga ito pero hindi naman masasabing napakabrutal ng larong sabong. Dahil dito ay nabibigyan ang bawat isang manok na ipagtanggol ang kanyang sarili. Kapag nanalo na ng ilang beses ang isang manok ay ‘di na ito ginagawang panlaban kundi ginagamit na lang bilang pampalahi.

    Kahit sino’ng sabungero ang tanungin mo, sasabihin nila sa iyo na likas na sa mga manok-panabong ang pagiging matapang. Wika nga, ipinaganak ang mga ito para maging mandirigma. Basta’t may makita lang na kanyang kauri ay tiyak na sasabungin na ito. Kaya kahit di pagsalukin ang mga manok ay kusang naglalaban. Ang ginawa lang ng mga sabungero ay ginawa itong isang isport. Nagagamit pa ng mga manok ang kanilang tapang sa ruweda.

    Sa totoo lang, inaalagaang mabuti ng mga sabungero ang kanilang mga manok. Lahat ng patuka at suplemento ay ibinibigay para sa ikabubuti ng katawan ng alaga. Ibig sabihin todo alaga at kundisyon ang mga manok dahil ibinibigay sa kanila ang lahat ng kanilang kailangan. Sasabihin naman ng mga kritiko na kaya lang ito ginagawa ay para ilaban nga ang manok?  Oo, naroon na tayo. Pero hindi lamang basta ganun yun dahil ang mga sabungero ay likas na ang pagmamahal sa kanilang manok.

    Ang kanilang mga panlaban ay di lang nila basta itinuturing na basta manok-panabong lang. Bagkus titiningnan nila ito bilang alter ego o ekstensyon ng kanilang sarili. Kapag nakikipaglaban ang manok, pakiramdam nila ay parang sila mismo ang nakikipaglaban. Bakit? Dahil ibinuhos nila sa manok ang kanilang oras at atensyon buhat pa lang noong una hanggang sa ito ay kanilang ilaban. Kumbaga, dala-dala ng manok ang kanilang pangalan. Pride ng mga sabungero kapag nananalo ang kanilang mga manok. At malungkot naman kapag natatalo. Pero siyempre, ang sabong ay laro ng magiginoo kaya sport lang sila.

    Kung kalupitan sa hayop ang sabong e di sana ay ipinagbabawal na rin ang pagkain ng manok o anumang klase ng hayop na puwedeng kainin. Dahil may buhay ang mga ito kagaya ng ikinakatuwiran ng iba. Siyempre, hindi puwede ang ganito dahil hindi lahat ng tao ay vegetitarian. Sa madaling salita, hindi lahat ng tao ay naniniwala na dapat ipagbawal ang sabong sa Pilipinas gaya ng nangyari sa Amerika.

    Sabi nga ng dating president ng Amerika na si Abraham Lincoln, kung ang tao nga naglalaban, ang mga manok pa kaya? Kaya bakit di natin hayaang umiral ang kanilang pagiging naturalesa? Masasabi mo ba sa kabayo na huwag siyang mabilis tumakbo o ‚di-kaya ay pigilan mo ang aso sa pagkahol. Ganundin naman sa manok-panabong, na pipigilin mong makipaglaban?


Monday, August 27, 2012

Sabong Laro ng mga Maginoo


    Para sa mga di nakakaunawa, ang sabong ay isang uri ng sugal lamang. Dahil mas nakikita nila ang pustahan na nakapaloob sa isport na ito. Hindi nila alintana na isa itong malaking industriya at pinagkukunan ng kabuhayan ng marami nating mga kababayan. Pero bukod dito ay hindi rin nila alam na ang mga sabungero ay maginoo.

    Ang mga sabungero ay matindi ang pagpapahalaga sa pagkakaibigan. Palibhasa ay iisa ang hilig kaya’t natural lamang na sila ay magkunsundu-sundo. Kapag nagkita-kita at nagkasama-sama ay walang humpay na kuwentuhan ang nangyayari. Walang kaso kahit magkatapat pa sa laban. May the best man win lang, wika nga. Para rin silang mga kasapi ng isang kapatiran na mahigpit ang kapit sa isa’t isa. Nagkakaroon sila ng kuneksyon sa isa’t isa kahit ito pa ay sa labas na ng sabong. Malaki kasi ang kanilang tiwala kapag ang katransaksiyon ay tulad nilang magmamanok.

    Binabaklas din ng mga sabungero ang malaking agwat sa buhay, sa pagitan ng mahirap at mayaman. Dahil sa sabong kahit ang mga ordinaryong tao ay nakalalapit sa mga bigating sabungero gaya ng malalaking negosyante at mga pulitiko. Alam naman natin na maraming pulitiko sa atin ang nagsasabong. Kapag nasa loob ng sabungan lahat ay nagkakapantay-pantay. Kahit sabihin pa na lubhang malaki ang taya ng mga bigating sabungero kumpara sa mga ordinaryong parukyano ng sabong.

    Kitang-kita rin sa mga sabungero ang pagiging sport. Madali sa kanila ang tumanggap ng pagkatalo. Sa meron o sa wala lang naman kasi ang pinagpipilian. Di yan kumbinasyon ng maraming numero sa lotto na mahirap tamaan. Maaaring matalo kahit gaano pa kagaling ang manok. Maaaring minalas lang talaga o di-kaya mas magaling ang manok ng kalaban. Kahit yun ngang akala mo ay mamamatay na ay nananalo pa. Saka alam din ng mga sabungero na wala namang nagmumonopolyo sa larangan ng sabong. Kaya tuluy-tuloy lang ang ginagawang laban, ang mahalaga ay nalilibang sa isport.

    Kung katapatan din lang ang pag-uusapan ay nangunguna na rito ang mga sabungero. Kapag tumataya ay senyasan lang ang kailangan at nagkakaunawaan na. Kahit umabot pa sa milyon ang ang taya ay di na kailangan pa ng kontrata. Palabra de honor lang ang kailangan. Saan ka makakakita ng ibinabato lang ang pera at kapag may nakapulot na iba ay iaabot pa ito sa iyo? Wala ritong puwang ang mga mananabit o yung mga tumataya pero wala naman palang pera. Dahil kapag nahuli, kung hindi man malagay sa katakut-takot na kahihiyan ay maaari pang makulong. Kaya’t bibihira lang sa hanay ng mga sabungero ang gumagawa nito.

Pag-ibig ng Sabungero

"Ang tulang ito ay iniaalay sa lahat ng sabungero."

Ang pag-ibig ng sabungero ay walang takot
Handang makipaglaban tulad ng sasabunging manok
Masugatan man hinding-hindi mababahag ang buntot
Hanggang huling pintig ng puso ikaw ang itinitibok!
Ang pag-ibig ng sabungero ay walang ‘sinlambing
Gabi’t araw, maliban sa manok ikaw lang ang hihimasin,
Pag-ibig ko sa iyo parang dasal na mataimtim
Hiling ko sa langit, habambuhay kang makapiling.
Ibigin mo lang ako, aalagaan ka ng walang humpay
Kasama ng mga manok ko, masaya tayong mamumuhay
H’wag magselos sa kanila dahil ikaw ay espesyal
Magiging reyna ka nila’t sa iyo rin ay mapapamahal.
Sa sinasabi ng iba ay huwag kang padadaya
Maghihirap ka lang daw sa piling ko maya’t maya
Pagka’t ako raw ay sugarol, sa sabungan lagi ang sadya
Ipapakain na lang sa pamilya akin pang itataya?
Sa hayop din daw ako ay brutal o napakalupit!
Kaya’t sa akin pinagbabawalan ka nilang dumikit
‘Pag nagkatuluyan daw tayo ako sa iyo’y mabagsik
Talaga naman, kung makapanghusga ang mga lintek!
Ngunit ‘yan lang ay pawang mga paninira
Sadyang matatabil lang ang kanilang mga dila
Ang sabong ay ‘di lang nila lubos na maunawa
Isa itong isports, ‘di basta sugal gaya ng kanilang akala.
Kung may handa man akong isugal ng todo-todo
Hindi salapi, itataya ko karangalan ko’t prinsipyo
Malalaman nilang sila ang nawawala sa wisyo
Masasabi mong kay sarap palang magmahal ng sabungero!
Pangako, sa piling ko ay ‘di ka maghihirap
Papawiin ko pagdududa mo’t mali nilang hinagap
Mapapatunayan mong ako pala’y ‘di nagpapanggap
Basta’t mahalin mo lang  ako, liligaya kang walang puknat!
 

Gil Matignas: Ang Duktor Manok ng Baras, Rizal


    Kung mayroong duktor para sa mga tao ay hindi rin mawawala ang duktor para sa mga manok-pansabong. Dahil dito ay natutuwa ang mga magsasabong dahil mayroong silang mapagdadalhan ng kanilang mga sugatang manok. Hindi sila mga lisensiyadong mga beterenaryo kundi pangkaraniwang mamamayan lamang, na walang ibang hangad kundi ang mamuhay ng marangal sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa sabungan. Subali’t may kakayahan silang manggamot ng mga sugatang manok. Isa na rito si Gil Matignas, limampu’t anim na taong gulang at taga-Baras, Rizal. Masasabing dalubhasa na siya sa ganitong larangang dahil na rin sa matagal na niya itong ginagawa.
 
    Ang kaalaman niyang ito ay kanya lamang nakuha sa pamamagitan ng pag-oobserba sa mga naggagamot ng sabungan. Dahil wala namang paaralan hinggil dito, nakukuha lang ito sa karanasan. Aniya ay madali lang naman itong matutunan basta’t pag-aralan mo lang mabuti kung anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin. Hindi na rin naman bago sa kanya ang makakita ng manggagamot ng mga manok dahil ganito rin ang trabaho ng kaniyang ama. Ang paggagamot ng mga manok ang bumuhay sa kanilang anim na magkakapatid. At tatlo sa kanila ang nalinya sa ganitong uri ng trabaho. Ang isa nga lang niyang kapatid ay tumigil na sa pagggagamot ng mga manok buhat nang ito ay sumemplang sa motor. Nabalian ito ng buto sa balikat at nahihiya nang makita pa ng mga tao sa sabungan. Isa itong titser at pagkatapos ng klase ay dumidiretso na dati sa sabungan para sumadlayn.
 
    Katulad ng kanilang ama, ang trabaho ring ito ang ipinantaguyod ni Mang Gil sa kanyang pamilya. Hindi na siya umiba pa ng linya tutal ay gamay naman niya ang panggagamot ng mga manok. Mayroon siyang dalawang anak na lalaki, ang isa ay sa Singapore na nagtratrabaho. Samantalang ang isa niyang anak na nagngangalang Gilson ay sumunod naman sa kanyang yapak. Naggagagamot din ito ng mga manok sa sabungan, kasa-kasama ang isa niyang pamangkin na nagngangalan namang si Jun. Hindi naman niya tinuruan ang mga ito, “Isinasama ko lang sila dati sa sabungan, natututo naman sila ng sa kanila.”
 
   Tatlong daang piso ang bayad sa bawat manok na ipinapagamot sa gaya niyang naggagamot. Ang importante lang naman dito ayon kay Mang Gil ay ang makarami ka ng gagamuting manok. Aniya, “Kapag marami kang kostumer at nagpapanalo, maganda ang pasok sa iyo ng income.” Siyempre, kailangan ay mabilis kang kumilos. Pero dapat ay pulido para matuwa naman ang mga kostumer. Inaalam lang niya kung ano ang schedule sa isang sabungan na kaniyang pinupuntahan. Kapag nakita siya roon ng kanyang mga kakilala ay automatic na sa kanya agad dinadala ang mga sugatang manok nila. Isa sa kanyang mga suki ay ang pamosong sabungera na si Osang dela Cruz ng Gold Quest Game Farm. Mapa-panalo o talunang manok ay kaniyang ginagamot. Malas nga lang kung puro patay ang mga manok ng kanilang mga kakilala dahil wala rin siyang gagamutin. Pero kahit ‘di pa kakilala ay nagiging suki rin niya. Kung sino kasing makita nilang manggagamot ay iaabot na lang dito ang manok. Ang maganda pa, kung minsan ay nabibiyaan pa siya ng manok ng kanyang mga kakilala. “Nakakahingi rin kami, basta tabla o talo minsan ibinibigay na lang sa amin,” masayang sabi ni Mang Gil.
 
    Ayon kay Mang Gil, ang unang ginagawa sa paggagamot ng manok ay pinapainom muna niya ito ng anti-biotic. Nililinis din niya ang sugat ng manok, kailangan ay maalis ang lahat ng dugong lumalabas dito. “Ang importante lang naman dito ay mapalabas mo ang dugo para h’wag magbalantukan ang manok,” paliwanag pa niya. Matapos linisin ay tatahiin na ang sugat at saka papahiran ng pampatuyo. Kapag maraming tama ang manok ay umaabot ng mahigit sa isang oras ang ginagawang panggagamot. Ang isa pang dapat tandaan kapag naggagamot ng manok, “Ang importante hanapin mo ang tama ng manok, sa leeg,sa tagaliran, sa kili-kili. Kailangan saraduhin mo agad ‘yan.”  Kung papanuorin mo nga ang ginagawa ni Mang Gil ay para siyang siruhano na nag-oopera ng pasyente. Madali lang diumanong gumaling ang sugat ng manok, depende ‘yun sa pinsalang natamo nito. Kapag matindi ay inaabot ito ng hanggang tatlong linggo. Kapag bahagya lang ay wala pang isang linggo ay magaling na agad ang sugat ng manok.
 
    Mayroon ding mga alagang manok sa bahay si Mang Gil. Paminsan-minsan ay nagsasabong din siya sa Baras Cockpit Arena. Pero nilinaw niya na ‘di na siya roon naggagamot kundi sa ibang lugar na. Ipinaubaya na lang niya sa mga taga-roon ang paggagamot ng mga manok. Aniya, “Mga cock fight lang ang sinasalihan ko, ‘di puwede sa derby at wala akong kapital” Nang tanungin kung ano ang paborito niyang manok, “Wala naman akong paborito basta manok puwede sa akin, basta magaling pumalo. ”
 
    Sa ngayon, sa loob ng isang linggo ay dalawang beses na lang nakakapanggamot si Mang Gil. Hindi na raw kasi niya kaya ang laging nagpupuyat. Hindi kagaya noong araw na anim na beses siyang kung manggamot sa loob ng isang linggo. Kung saan-saang sabungan pa nga siya nakararating noon. Kahit pa sa mga probinsiya basta’t may malalaking derby ay pinupuntahan niya. Hindi kagaya ngayon na hanggang sa mga sabungan lang sa Metro Manila ang kaniyang pinaggagamutan. Wala pa naman siyang balak na tumigil sa trabaho niyang ito. Hangga’t kaya ng kanyang katawan may patuloy siyang maggagamot ng mga manok. May apila si Mang Gil, sa mga sabungerong gustong magpagamot ng manok ay maaari siyang tawagin at gagarantiyahan niya na pulido ang kaniyang pagbibigay serbisyo. Mako-kontak siya sa numerong 0915-8682888.