Monday, August 27, 2012

Gil Matignas: Ang Duktor Manok ng Baras, Rizal


    Kung mayroong duktor para sa mga tao ay hindi rin mawawala ang duktor para sa mga manok-pansabong. Dahil dito ay natutuwa ang mga magsasabong dahil mayroong silang mapagdadalhan ng kanilang mga sugatang manok. Hindi sila mga lisensiyadong mga beterenaryo kundi pangkaraniwang mamamayan lamang, na walang ibang hangad kundi ang mamuhay ng marangal sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa sabungan. Subali’t may kakayahan silang manggamot ng mga sugatang manok. Isa na rito si Gil Matignas, limampu’t anim na taong gulang at taga-Baras, Rizal. Masasabing dalubhasa na siya sa ganitong larangang dahil na rin sa matagal na niya itong ginagawa.
 
    Ang kaalaman niyang ito ay kanya lamang nakuha sa pamamagitan ng pag-oobserba sa mga naggagamot ng sabungan. Dahil wala namang paaralan hinggil dito, nakukuha lang ito sa karanasan. Aniya ay madali lang naman itong matutunan basta’t pag-aralan mo lang mabuti kung anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin. Hindi na rin naman bago sa kanya ang makakita ng manggagamot ng mga manok dahil ganito rin ang trabaho ng kaniyang ama. Ang paggagamot ng mga manok ang bumuhay sa kanilang anim na magkakapatid. At tatlo sa kanila ang nalinya sa ganitong uri ng trabaho. Ang isa nga lang niyang kapatid ay tumigil na sa pagggagamot ng mga manok buhat nang ito ay sumemplang sa motor. Nabalian ito ng buto sa balikat at nahihiya nang makita pa ng mga tao sa sabungan. Isa itong titser at pagkatapos ng klase ay dumidiretso na dati sa sabungan para sumadlayn.
 
    Katulad ng kanilang ama, ang trabaho ring ito ang ipinantaguyod ni Mang Gil sa kanyang pamilya. Hindi na siya umiba pa ng linya tutal ay gamay naman niya ang panggagamot ng mga manok. Mayroon siyang dalawang anak na lalaki, ang isa ay sa Singapore na nagtratrabaho. Samantalang ang isa niyang anak na nagngangalang Gilson ay sumunod naman sa kanyang yapak. Naggagagamot din ito ng mga manok sa sabungan, kasa-kasama ang isa niyang pamangkin na nagngangalan namang si Jun. Hindi naman niya tinuruan ang mga ito, “Isinasama ko lang sila dati sa sabungan, natututo naman sila ng sa kanila.”
 
   Tatlong daang piso ang bayad sa bawat manok na ipinapagamot sa gaya niyang naggagamot. Ang importante lang naman dito ayon kay Mang Gil ay ang makarami ka ng gagamuting manok. Aniya, “Kapag marami kang kostumer at nagpapanalo, maganda ang pasok sa iyo ng income.” Siyempre, kailangan ay mabilis kang kumilos. Pero dapat ay pulido para matuwa naman ang mga kostumer. Inaalam lang niya kung ano ang schedule sa isang sabungan na kaniyang pinupuntahan. Kapag nakita siya roon ng kanyang mga kakilala ay automatic na sa kanya agad dinadala ang mga sugatang manok nila. Isa sa kanyang mga suki ay ang pamosong sabungera na si Osang dela Cruz ng Gold Quest Game Farm. Mapa-panalo o talunang manok ay kaniyang ginagamot. Malas nga lang kung puro patay ang mga manok ng kanilang mga kakilala dahil wala rin siyang gagamutin. Pero kahit ‘di pa kakilala ay nagiging suki rin niya. Kung sino kasing makita nilang manggagamot ay iaabot na lang dito ang manok. Ang maganda pa, kung minsan ay nabibiyaan pa siya ng manok ng kanyang mga kakilala. “Nakakahingi rin kami, basta tabla o talo minsan ibinibigay na lang sa amin,” masayang sabi ni Mang Gil.
 
    Ayon kay Mang Gil, ang unang ginagawa sa paggagamot ng manok ay pinapainom muna niya ito ng anti-biotic. Nililinis din niya ang sugat ng manok, kailangan ay maalis ang lahat ng dugong lumalabas dito. “Ang importante lang naman dito ay mapalabas mo ang dugo para h’wag magbalantukan ang manok,” paliwanag pa niya. Matapos linisin ay tatahiin na ang sugat at saka papahiran ng pampatuyo. Kapag maraming tama ang manok ay umaabot ng mahigit sa isang oras ang ginagawang panggagamot. Ang isa pang dapat tandaan kapag naggagamot ng manok, “Ang importante hanapin mo ang tama ng manok, sa leeg,sa tagaliran, sa kili-kili. Kailangan saraduhin mo agad ‘yan.”  Kung papanuorin mo nga ang ginagawa ni Mang Gil ay para siyang siruhano na nag-oopera ng pasyente. Madali lang diumanong gumaling ang sugat ng manok, depende ‘yun sa pinsalang natamo nito. Kapag matindi ay inaabot ito ng hanggang tatlong linggo. Kapag bahagya lang ay wala pang isang linggo ay magaling na agad ang sugat ng manok.
 
    Mayroon ding mga alagang manok sa bahay si Mang Gil. Paminsan-minsan ay nagsasabong din siya sa Baras Cockpit Arena. Pero nilinaw niya na ‘di na siya roon naggagamot kundi sa ibang lugar na. Ipinaubaya na lang niya sa mga taga-roon ang paggagamot ng mga manok. Aniya, “Mga cock fight lang ang sinasalihan ko, ‘di puwede sa derby at wala akong kapital” Nang tanungin kung ano ang paborito niyang manok, “Wala naman akong paborito basta manok puwede sa akin, basta magaling pumalo. ”
 
    Sa ngayon, sa loob ng isang linggo ay dalawang beses na lang nakakapanggamot si Mang Gil. Hindi na raw kasi niya kaya ang laging nagpupuyat. Hindi kagaya noong araw na anim na beses siyang kung manggamot sa loob ng isang linggo. Kung saan-saang sabungan pa nga siya nakararating noon. Kahit pa sa mga probinsiya basta’t may malalaking derby ay pinupuntahan niya. Hindi kagaya ngayon na hanggang sa mga sabungan lang sa Metro Manila ang kaniyang pinaggagamutan. Wala pa naman siyang balak na tumigil sa trabaho niyang ito. Hangga’t kaya ng kanyang katawan may patuloy siyang maggagamot ng mga manok. May apila si Mang Gil, sa mga sabungerong gustong magpagamot ng manok ay maaari siyang tawagin at gagarantiyahan niya na pulido ang kaniyang pagbibigay serbisyo. Mako-kontak siya sa numerong 0915-8682888.

No comments:

Post a Comment