Monday, August 27, 2012

Sabong Laro ng mga Maginoo


    Para sa mga di nakakaunawa, ang sabong ay isang uri ng sugal lamang. Dahil mas nakikita nila ang pustahan na nakapaloob sa isport na ito. Hindi nila alintana na isa itong malaking industriya at pinagkukunan ng kabuhayan ng marami nating mga kababayan. Pero bukod dito ay hindi rin nila alam na ang mga sabungero ay maginoo.

    Ang mga sabungero ay matindi ang pagpapahalaga sa pagkakaibigan. Palibhasa ay iisa ang hilig kaya’t natural lamang na sila ay magkunsundu-sundo. Kapag nagkita-kita at nagkasama-sama ay walang humpay na kuwentuhan ang nangyayari. Walang kaso kahit magkatapat pa sa laban. May the best man win lang, wika nga. Para rin silang mga kasapi ng isang kapatiran na mahigpit ang kapit sa isa’t isa. Nagkakaroon sila ng kuneksyon sa isa’t isa kahit ito pa ay sa labas na ng sabong. Malaki kasi ang kanilang tiwala kapag ang katransaksiyon ay tulad nilang magmamanok.

    Binabaklas din ng mga sabungero ang malaking agwat sa buhay, sa pagitan ng mahirap at mayaman. Dahil sa sabong kahit ang mga ordinaryong tao ay nakalalapit sa mga bigating sabungero gaya ng malalaking negosyante at mga pulitiko. Alam naman natin na maraming pulitiko sa atin ang nagsasabong. Kapag nasa loob ng sabungan lahat ay nagkakapantay-pantay. Kahit sabihin pa na lubhang malaki ang taya ng mga bigating sabungero kumpara sa mga ordinaryong parukyano ng sabong.

    Kitang-kita rin sa mga sabungero ang pagiging sport. Madali sa kanila ang tumanggap ng pagkatalo. Sa meron o sa wala lang naman kasi ang pinagpipilian. Di yan kumbinasyon ng maraming numero sa lotto na mahirap tamaan. Maaaring matalo kahit gaano pa kagaling ang manok. Maaaring minalas lang talaga o di-kaya mas magaling ang manok ng kalaban. Kahit yun ngang akala mo ay mamamatay na ay nananalo pa. Saka alam din ng mga sabungero na wala namang nagmumonopolyo sa larangan ng sabong. Kaya tuluy-tuloy lang ang ginagawang laban, ang mahalaga ay nalilibang sa isport.

    Kung katapatan din lang ang pag-uusapan ay nangunguna na rito ang mga sabungero. Kapag tumataya ay senyasan lang ang kailangan at nagkakaunawaan na. Kahit umabot pa sa milyon ang ang taya ay di na kailangan pa ng kontrata. Palabra de honor lang ang kailangan. Saan ka makakakita ng ibinabato lang ang pera at kapag may nakapulot na iba ay iaabot pa ito sa iyo? Wala ritong puwang ang mga mananabit o yung mga tumataya pero wala naman palang pera. Dahil kapag nahuli, kung hindi man malagay sa katakut-takot na kahihiyan ay maaari pang makulong. Kaya’t bibihira lang sa hanay ng mga sabungero ang gumagawa nito.

No comments:

Post a Comment