"Ang tulang ito ay iniaalay sa lahat ng sabungero."
Ang pag-ibig ng sabungero ay walang takot
Handang makipaglaban tulad ng sasabunging manok
Masugatan man hinding-hindi mababahag ang buntot
Hanggang huling pintig ng puso ikaw ang itinitibok!
Ang pag-ibig ng sabungero ay walang ‘sinlambing
Gabi’t araw, maliban sa manok ikaw lang ang hihimasin,
Pag-ibig ko sa iyo parang dasal na mataimtim
Hiling ko sa langit, habambuhay kang makapiling.
Ibigin mo lang ako, aalagaan ka ng walang humpay
Kasama ng mga manok ko, masaya tayong mamumuhay
H’wag magselos sa kanila dahil ikaw ay espesyal
Magiging reyna ka nila’t sa iyo rin ay mapapamahal.
Sa sinasabi ng iba ay huwag kang padadaya
Maghihirap ka lang daw sa piling ko maya’t maya
Pagka’t ako raw ay sugarol, sa sabungan lagi ang sadya
Ipapakain na lang sa pamilya akin pang itataya?
Sa hayop din daw ako ay brutal o napakalupit!
Kaya’t sa akin pinagbabawalan ka nilang dumikit
‘Pag nagkatuluyan daw tayo ako sa iyo’y mabagsik
Talaga naman, kung makapanghusga ang mga lintek!
Ngunit ‘yan lang ay pawang mga paninira
Sadyang matatabil lang ang kanilang mga dila
Ang sabong ay ‘di lang nila lubos na maunawa
Isa itong isports, ‘di basta sugal gaya ng kanilang akala.
Kung may handa man akong isugal ng todo-todo
Hindi salapi, itataya ko karangalan ko’t prinsipyo
Malalaman nilang sila ang nawawala sa wisyo
Masasabi mong kay sarap palang magmahal ng sabungero!
Pangako, sa piling ko ay ‘di ka maghihirap
Papawiin ko pagdududa mo’t mali nilang hinagap
Mapapatunayan mong ako pala’y ‘di nagpapanggap
Basta’t mahalin mo lang
ako, liligaya kang walang puknat!
No comments:
Post a Comment